Home TOP STORIES Tensyon sa MidEast nananatili sa gitna ng tigil-putukan

Tensyon sa MidEast nananatili sa gitna ng tigil-putukan

79
0

ISLAMABAD, Pakistan – Nanatiling mataas ang tensyon sa labanan sa Gitnang Silangan kung saan umaasa lamang sa pansamantalang tigil-putukan at patuloy na banta ang kaayusan sa rehiyon.

Bagama’t napinsala ang Iran, hindi ito umatras sa negosasyon. Humina man, nananatiling aktibo ang mga kaalyado nitong Hezbollah sa Lebanon at Hamas sa Gaza, habang tuloy pa rin ang mga pag-atake ng Israel. Nahaharap din sa pressure si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na gawing konkretong resulta ang mga aksyong militar bago ang halalan.

Samantala, sinabi ni US President Donald Trump na nais pa rin niyang makamit ang kasunduang nukleyar at mas malawak na kapayapaan sa Iran, ngunit wala pang malinaw na resulta ang usapan. Pinalawig niya ang tigil-putukan ngunit pinanatili ang blockade ng US sa mga pantalan ng Iran.

Sinabi ng Iran na hindi nito bubuksan ang Strait of Hormuz hangga’t may blockade ang US at nagpapatuloy ang pag-atake ng Israel sa mga kaalyado nito.

Ayon kay dating US ambassador Michael Ratney, “Ceasefires ‘don’t fix anything — they just stop things from getting worse,’” at bahagi lamang ito ng pansamantalang solusyon.

Hindi pa rin natutugunan ang mga ugat ng sigalot, at milyon-milyon pa rin ang lumikas habang may pangamba na muling sumiklab ang digmaan.

Sa Lebanon, nananatiling may tigil-putukan ngunit may mga labanan pa rin sa border, habang nais ng Israel manatili sa ilang lugar at hinihiling ng Hezbollah ang pag-alis nito.

Sa Gaza, nananatili ang tigil-putukan ngunit patuloy ang mga airstrike ng Israel. Mahigit 790 Palestino na ang naiulat na nasawi mula noong tigil-putukan, kabilang ang humigit-kumulang 225 bata. Nananatiling walang tahanan ang karamihan sa higit 2 milyong residente.

Samantala, kinansela ni Trump ang planong pagbisita ng kanyang mga envoy sa Pakistan para sa usapang pangkapayapaan sa Iran.

“We have all the cards. They can call us anytime they want, but you’re not going to be making any more 18-hour flights to sit around talking about nothing,” ani Trump.

Dagdag pa niya, “No. It doesn’t mean that. We haven’t thought about it yet,” nang tanungin kung magpapatuloy ang digmaan.

Nagbabala ang Iran na tutugon ito kung magpapatuloy ang blockade, habang iginiit ng European Council na dapat itong agad buksan dahil “This is vital for the entire world.”

Sa kabila ng tigil-putukan, nananatiling mataas ang tensyon, at ayon sa mga eksperto, maaaring magpatuloy ang hidwaan kung hindi maresolba ang mga pangunahing isyu sa rehiyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here