Home NATIONWIDE Pag-freeze ng CA sa assets ni Romualdez, kinumpirma ni Remulla

Pag-freeze ng CA sa assets ni Romualdez, kinumpirma ni Remulla

115
0

MANILA, Philippines – Iniutos ng Court of Appeals (CA) ang pag-freeze ng mga ari-arian ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa flood control scandal, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Sa panayam, kinumpirma ni Remulla na si Romualdez ang tinutukoy na mambabatas sa freeze order na nakuha ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), bagama’t hindi siya pinangalanan sa opisyal na pahayag.

“Si former Speaker Martin Romualdez, na freeze na yung kanyang… Oo, from the Court of Appeals. Dun talaga dinadala ang freeze orders from AMLC. AMLC dyan talaga sila kumukuha ng court order,” ani Remulla.

Saklaw ng freeze order ang 25 bank accounts at 10 insurance policies na nakapangalan sa mambabatas.

Ayon sa AMLC, nakita ng CA na may probable cause na iugnay ang mga assets sa plunder (RA 7659), direct at indirect bribery, at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).

Kasama rin sa freeze order ang 27 bank accounts, 10 insurance policies, at isang investment account ng umano’y business associate ng mambabatas, pati dalawang bank accounts, pitong property accounts, at isang real estate property ng isang corporate entity.

Sinabi ni Remulla na inaasahang maisasampa sa susunod na buwan ang kasong plunder laban kina Romualdez at Senator Francis Escudero.

“Ang kalaban namin dito, akusado sa pagnanakaw sa gobyerno. Ito, tiga gobyerno ito. Ito maraming pera, may kapangyarihan. Hindi madaling kalaban ito kaya lang binigyan tayo ng kaukulang tungkulin sa batas na gawin ang lahat,” dagdag niya.

Nauna nang pinayagan ng Sandiganbayan ang precautionary hold departure order laban kay Romualdez matapos makita ang posibilidad na umalis siya ng bansa upang iwasan ang kaso.

Samantala, sinabi ni Romualdez na hindi siya papayag na gawing “scapegoat” at itinanggi ang pagkakasangkot sa mga desisyon sa budget, na aniya’y may kinalaman sina dating Senate President Francis Escudero at dating mambabatas na si Elizaldy “Zaldy” Co.

Hinihintay pa ang opisyal na pahayag mula sa kampo ni Romualdez at sa AMLC. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here