MANILA, Philippines — Suspendido ang face-to-face classes sa ilang paaralan sa bansa ngayong Huwebes, Nobyembre 5, dahil sa inaasahang mataas na heat index.
Kabilang sa mga nagpatupad ng suspensyon ang ilang paaralan sa Iloilo City at New Lucena, Iloilo; Roxas City, Capiz; Mandaue City, Cebu; at Davao del Norte.
Sa Iloilo, suspendido ang in-person classes at iba pang academic activities sa Tiu Cho Teg–Ana Ros Foundation Integrated Farm School, habang walang face-to-face classes sa Jalandoni Memorial National High School.
Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa New Lucena.
Sa Roxas City, lumipat naman sa online learning ang Filamer Christian University at Milibili National High School.
Nagpatupad din ng online classes ang Subangdaku Technical Vocational School sa Mandaue City, Cebu, habang modular learning ang ipinatupad sa Sto. Tomas Central Elementary School SpEd Center sa Davao del Norte.
Ang mga suspensyon ay kaugnay ng Department of Education Memorandum No. 64, Series of 2026, na nagpapahintulot sa mga pampublikong paaralan na suspendihin ang klase at academic activities kapag umabot sa danger category na 42 degrees Celsius pataas ang heat index.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na maaaring umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa Iloilo City at Dumangas, Iloilo.
Posible namang umabot sa 43 degrees Celsius ang heat index sa Dipolog, Zamboanga del Norte; Butuan City, Agusan del Norte; at Coron, Palawan. RNT