MANILA, Philippines – Inihayag ni dating DPWH official Gerard Opulencia sa Sandiganbayan na nakapagbalik na siya ng ₱130 milyon mula sa ₱150 milyon na ipinangako niyang isauli sa gobyerno upang makapasok sa Witness Protection Program (WPP) kaugnay ng flood control scandal.
Gayunman, sinabi niyang nasa ₱10 milyon lamang ang kanyang net worth ayon sa kanyang huling SALN.
Sa pagdinig ng bail para sa kasong malversation laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., tinanong ni Associate Justice Karl Miranda si Opulencia tungkol sa kanyang yaman.
“I don’t remember how much exactly, but it’s around ₱10 million, maybe,” sagot ni Opulencia.
Iginiit ni Opulencia na wala siyang kinalaman sa korapsyon sa DPWH, ngunit pumayag siyang magsauli ng ₱150 milyon bilang kondisyon para sa WPP. Isa siya sa mga respondent sa kaso ng umano’y “ghost” flood control project na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon sa Pandi, Bulacan.
“Exactly, you were part of the scheme,” diin ni Miranda.
Si Opulencia ay isa sa apat na state witness sa kaso, kasama sina dating Undersecretary Roberto Bernardo, dating district engineer Henry Alcantara, at contractor na si Sally Santos.
Habang tinatanong sa korte, iginiit ni Opulencia na wala siyang alam kung paano kinukuha ang pondo para sa tinatawag na “commitments” o kickbacks. Binalaan siya ni Miranda:
“Once you lie, it could be taken away… I am now thinking if you truly deserve it.”
Samantala, tumestigo rin si Bernardo na si Revilla umano ay may ₱1.5 bilyong halaga ng proyekto noong 2025 at tumanggap ng ₱500 milyon na “commitments.”
“Funded in 2025, it amounts to ₱1.5 billion,” ani Bernardo.
Dagdag niya, ang ₱500 milyon ay naipadala umano kay Revilla sa loob ng 15 kahon at isang paper bag mula 2024 hanggang 2025.
“I was present in [the] first and third delivery,” sabi ni Bernardo.
Naroon si Revilla sa pagdinig at sinabi sa media: “The truth will come out.”
Nakapagpiyansa na siya ng ₱90,000 para sa hiwalay na graft case ngunit nananatiling nakakulong dahil sa non-bailable na kasong malversation. RNT/MND