WASHINGTON, USA – Nagkagulo ang White House Correspondents’ Dinner sa Washington, USA noong Sabado ng gabi matapos umanong marinig ang malalakas na putok ng baril habang dumadalo si US President Donald Trump.
Ayon sa mga saksi at AFP reporters, nagtakbuhan at nagtago sa ilalim ng mga mesa ang mga bisita sa Washington Hilton Hotel. Agad namang rumesponde ang mga tactical team na may dalang armas at pumwesto sa entablado kung saan nakaupo si Trump bago siya inilikas. Nagpakalat din ng mga helicopter at dumagsa ang mga pulis sa lugar.
Ayon sa CNN at iba pang US media, “Trump was unhurt.” May ulat din ng pool report na may umano’y suspek na naaresto, ngunit hindi pa ito opisyal na kumpirmado. May hindi rin beripikadong ulat na may isang nasugatan.
Naganap ang insidente matapos ang welcome speech at habang dinner pa, bago sana magsalita si Trump. Ayon kay Cabinet official Mehmet Oz, “shots fired upstairs” habang sila ay inaalis ng seguridad.
Si Trump ay naging target na rin ng naunang assassination attempt noong 2024 sa Butler, Pennsylvania, kung saan isang dumalo ang napatay at siya ay bahagyang nasugatan sa tenga. May isa pang hiwalay na insidente kung saan may suspek na may baril na natagpuan malapit sa golf course na kanyang pinuntahan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang ipinagpatuloy pa rin ng mga organizer ang event. RNT/MND