ISLAMABAD, Pakistan – Binigyang-diin ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi ang posisyon ng Iran at mga pagtutol nito sa Estados Unidos habang patuloy ang pagsisikap ng Pakistan na maibalik ang usapang pangkapayapaan sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Iranian foreign ministry, “explained our country’s principled positions regarding the latest developments related to the ceasefire and the complete end of the imposed war against Iran.” Dagdag pa ng isang Iranian diplomatic source, “Principally, Iranian side will not accept maximalist demands.”
Nagpulong si Araqchi at iba pang opisyal ng Iran sa Islamabad, Pakistan, kasama ang Prime Minister Shehbaz Sharif at military officials, bago umalis ng bansa sakay ng military jet escort. Hindi pa malinaw kung kailan o kung babalik siya sa Pakistan.
Ayon sa US, posibleng magtungo rin sa Islamabad ang mga emisaryo ni President Donald Trump na sina Steve Witkoff at Jared Kushner, ngunit sinabi ng Iran na walang direktang pag-uusap sa US at sa halip ay Pakistan ang tagapamagitan.
Sinabi ng US Defense Secretary Pete Hegseth, “Iran knows that they still have an open window to choose wisely. All they have to do is abandon a nuclear weapon in meaningful and verifiable ways.”
Samantala, sinabi ng White House na may nakikitang kaunting pag-usad sa panig ng Iran ngunit nananatiling malabo ang direksyon ng negosasyon.
Patuloy ang epekto ng sigalot sa pandaigdigang ekonomiya dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz, na mahalagang daanan ng langis at gas. Tumaas din ang presyo ng langis at naapektuhan ang pandaigdigang kalakalan at transportasyon.
Ayon sa ulat, nananatiling sarado o limitado ang daanan sa Hormuz, at sinabi ng Iran na kontrolado nila ito, habang iginiit ng US ang blockade sa Iranian ports.
Patuloy din ang umiiral na ceasefire, ngunit nananatili ang tensyon sa rehiyon at walang malinaw na kasunduan para sa pangmatagalang kapayapaan. RNT/MND