MANILA, Philippines – Naitala ng PHIVOLCS ang panibagong volcanic activity sa Mayon Volcano at Kanlaon Volcano nitong Linggo ng gabi, Abril 26.
Sa Mayon Volcano, naobserbahan ang minor Strombolian activity mula 6:26 p.m. hanggang 6:27 p.m., ayon sa kuha ng PHIVOLCS Quick Response Team. Ang ganitong aktibidad ay mababang antas ng pagsabog na naglalabas ng lava fountains at piraso ng magma.
Patuloy na ang effusive eruption ng Mayon sa ika-111 araw, na nagdudulot ng lava flows, pyroclastic density currents o “uson,” at madalas na pagguho ng bato.
Nanatili ang Alert Level 3 sa bulkan, na nangangahulugang mataas ang antas ng unrest at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong permanent danger zone.
Samantala, sa Kanlaon Volcano, muling nagbuga ng abo ang bulkan mula 6:28 p.m. hanggang 6:55 p.m., na umabot sa 1,200 metro ang taas bago tinangay pa-timog-kanluran.
Ayon sa PHIVOLCS, ito ay naitala ng camera sa Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City. May naitala ring ash emissions noong Sabado at Biyernes.
Nanatili naman sa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano, na nagpapahiwatig ng katamtamang antas ng volcanic unrest. RNT/MND