Home NATIONWIDE Contingency plans sa landfill operators, hiniling ng DENR

Contingency plans sa landfill operators, hiniling ng DENR

94
0

MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng sanitary landfill operators na magsumite ng contingency plan para sa emergency response, halos dalawang linggo matapos ang sunog sa Navotas Sanitary Landfill.

Sa memorandum ng Environmental Management Bureau (EMB), binigyan ang mga operator ng 15 araw upang magsumite ng plano laban sa sunog at iba pang emergency incidents.

Layunin nito na matiyak ang “adequate” na pagtugon sa tumataas na heat index at dumaraming insidente ng sunog sa mga landfill at dumpsite, ayon kay EMB Director Jacqueline Caancan.

Nag-ugat ang kautusan matapos ang sunog noong Abril 10 sa Navotas landfill, kung saan nahirapan ang Bureau of Fire Protection (BFP) na apulahin ang apoy dahil sa “smoldering conditions.” Tinatayang 80% ng 43-ektaryang pasilidad ang nasunog, dulot umano ng methane gas mula sa nabubulok na basura.

Sa ilalim ng bagong patakaran, rerepasuhin ng EMB ang mga contingency plan upang matiyak na sumusunod ito sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Kailangan sa plano ang mga hakbang sa fire prevention at suppression, emergency protocols, evacuation procedures, at rehabilitasyon matapos ang insidente. Dapat ding ilahad ang monitoring systems para sa gas at koordinasyon sa LGU, BFP, at iba pang ahensya.

Pinapaalalahanan din ang mga lokal na pamahalaan na bawal ang open dumping ng basura at dapat agad ipasara ang mga dumpsite alinsunod sa batas.

Maghahain naman ng ulat ang mga regional office ng EMB sa loob ng 30 araw upang i-monitor ang pagsunod ng mga operator, kabilang ang listahan ng high-risk facilities at mga rekomendadong hakbang. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here