LAGUNA, Philippines – Idineklarang dead on arrival ang isang 29 anyos na binata nang pagbabarilin ng kapwa nito pasahero sa tricycle matapos na magtalo sa pamasahe, kagabi sa Barangay Don Jose sa lungsod ng Sta Rosa, Laguna.
Kinilala ang biktimang nasawi na nagtamo ng mga tama ng bala sa bahagi ng katawan na si alyas Albert, 29, binata, naninirahan sa Purok 2 Servidad Compound Barangay Pulong Sta Cruz ng nabanggit na siyudad.
Samantalang ang suspek na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad na mabilis na tumakas na nakilala sa Alyas Joelan, nasa hustong gulang, residente ng Barangay Don Jose Sta Rosa City, Laguna.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya dakong alas-9:50 kagabi (April 25, 2026) habang ang biktima at suspek na kapwa lulan ng tricycle nang bigla umanong magtalo sa pamasahe kung saan sinuntok ng suspek ang biktima.
Napag-alaman na kaagad na nagtungo ang biktima sa Barangay Hall para umano ireklamo ang suspek na humantong sa komprontasyon ay muling nagtalo ang biktima at suspek kung saan bigla umanong nagbunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang biktimang nasawi.
Nabatid sa ulat na matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo kung saan patuloy ang dragnet operation ng Sta Rosa City Police Station para sa agarang ikadarakip ng tumakas na suspek. /Ellen Apostol