Home METRO Pagnenok ng pera ng mga parak sa ni-raid na ilegal sabong den...

Pagnenok ng pera ng mga parak sa ni-raid na ilegal sabong den sa Tondo, itinanggi ng PNP

98
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes ang mga paratang na umano’y nagnakaw ng pera ang ilang tauhan nito sa isinagawang raid sa ilegal na e-sabong sa Tondo, Maynila.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, nilinaw ang kumalat na CCTV footage mula sa operasyon noong Marso 24, kung saan iginiit niyang ang kilos ng isang pulis ay hindi pagnanakaw kundi bahagi ng pangangalap ng ebidensya.

“Ang nasabi po na posisyon na ginawa po ng ating operatiba ay hindi po pangungupit ng pera kundi pagkuha ng ebidensya, partikular ng bet ticket, nang siya ay nakapasok na,” pahayag ni Tuaño.

“Nang marekober niya na po ang bet ticket, siya po ay sumenyas sa kanyang mga kasamahan. Ito po ang tinatawag nating pre-arranged signal,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng PNP na walang naganap na pangingikil o hindi awtorisadong pagkuha ng pera sa operasyon, ngunit bukas umano ito sa anumang pormal na reklamo at magsasagawa ng imbestigasyon kung may sapat na ebidensya.

Noong Marso 24, 174 katao ang naaresto sa raid sa Coliseo De Manila kaugnay ng ilegal na e-sabong. Nasamsam sa operasyon ang 48 desktop computers na ginagamit bilang betting stations, 24 buhay na tandang, panabong, bet tickets, at cash.

Mananatiling ilegal ang e-sabong sa buong bansa dahil sa mga isyung may kaugnayan sa krimen at social harm na dulot ng online cockfighting. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here