MANILA, Philippines — Pinuri ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang mapayapa at demokratikong transition ng pamahalaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kasunod ng pagbuo ng unang regular Bangsamoro Parliament.
Si Bagaforo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Interreligious Dialogue (CBCP-ECID), ay nagpahayag ng suporta sa bagong pamahalaan at Parlamento ng Bangsamoro.
Nahalal bilang Chief Minister si Abdulraof “Sammy” Macacua matapos makakuha ng 51 boto laban sa 27 boto ni dating Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim sa inaugural session ng Bangsamoro Parliament noong Oktubre 30.
Pormal nitong tinapos ang mahigit pitong taong pamamahala sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority at sinimulan ang unang regular parliamentary government ng rehiyon.
Pinuri rin ni Bagaforo ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kabilang sina Ebrahim at Mohagher Iqbal, sa maayos na pagpapasa ng kapangyarihan.
Aniya, patuloy na makikiisa ang Simbahang Katolika sa mga Muslim, Indigenous Peoples at iba pang komunidad sa pagsusulong ng dialogue at pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Sa kanyang inaugural address, sinabi naman ni Macacua na dapat manaig ang pagkakaisa at kooperasyon sa bagong pamahalaan.
Binigyang-diin niyang ang public office ay hindi gantimpala para sa political loyalty kundi responsibilidad na nangangailangan ng competence, integrity at dedikasyon sa mamamayan.
Nangako rin si Macacua na ipagpapatuloy ang “Moral Governance” agenda na itinaguyod ng nakaraang administrasyon.
Sinabi niyang ang bagong yugto ng Bangsamoro governance ay dapat masukat hindi sa kung sino ang nakakuha o nawalan ng kapangyarihan, kundi sa kung paano magagamit ang self-governance upang mapabuti ang buhay ng mga mamamayan. Mary Anne Sapico