Home METRO Koreano hinoldap ng mga panggap na MC taxi rider sa P’que

Koreano hinoldap ng mga panggap na MC taxi rider sa P’que

1
0

MANILA, Philippines — Arestado ang isa sa tatlong lalaking umano’y nagpanggap na motorcycle taxi riders matapos holdapin ang isang 46-anyos na Korean tourist sa Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City nitong Sabado ng gabi.

Patuloy namang tinutugis ng Southern Police District (SPD) ang dalawa pang suspek na nakatakas.

Ayon sa pulisya, naglalakad ang biktima upang bumili ng pagkain bandang alas-9:15 ng gabi nang sundan umano siya ng tatlong lalaking sakay ng motorsiklo at nakasuot ng mga damit na kahawig ng uniporme ng motorcycle taxi riders.

Tinangka umanong agawin ng mga suspek ang bag ng turista ngunit nanlaban ito at nakipagbuno.

Sa gitna ng insidente, nagpaputok umano ang isa sa mga suspek upang takutin ang biktima, dahilan upang mabitawan nito ang bag.

Rumesponde ang mga pulis na nakatalaga sa lugar matapos makarinig ng mga putok at naaresto ang isang 30-anyos na suspek mula Sta. Cruz, Maynila.

Isinugod naman sa ospital ang turista matapos magtamo ng mga galos sa ulo at tuhod.

Hindi pa narerekober ang kanyang bag na naglalaman umano ng tinatayang P12,000 cash, pasaporte at hotel keycard.

Tatlong basyo ng bala ang narekober ng Scene of the Crime Operatives sa lugar.

Nakumpiska rin umano mula sa naarestong suspek ang isang 9mm na baril, anim na bala, mga bonnet, helmet, sapatos, damit na may markings ng ride-hailing apps at mga pekeng plaka.

Nilinaw ng pulisya na hindi lehitimong motorcycle taxi riders ang mga suspek at nabili lamang umano online ang kanilang mga suot na uniporme.

Ayon pa sa SPD, patuloy ang manhunt operation katuwang ang Manila Police District upang matunton ang dalawa pang suspek.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang naarestong lalaki.

Sinabi rin ng pulisya na iniimbestigahan ang umano’y pagkakasangkot nito sa iba pang kaso. Nahaharap pa siya sa mga reklamong may kaugnayan sa insidente. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here