MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang nitong Lunes ang mga ulat hinggil sa umano’y Cabinet reshuffle sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kabilang ang mga spekulasyong may ilang opisyal na papalitan sa pwesto.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang batayan ang mga kumakalat na bali-balita at binigyang-diin na ang anumang pagbabago sa Gabinete ay nasa kapasyahan lamang ng Pangulo.
“Unang-una, I will always serve at the pleasure of the President,” pahayag ni Castro nang tanungin tungkol sa mga ulat na maaari rin umano siyang maapektuhan ng reshuffle.
“Pero sa fake news peddlers, abangan ang susunod na kabanata,” dagdag niya.
Sa tanong kung may katotohanan ang ulat na hanggang 10 Cabinet members ang posibleng maapektuhan, sinabi ni Castro: “Sa ngayon wala po.”
Wala pa ring inilalabas na pahayag ang Office of the President na magpapatunay o magpapasinungaling sa anumang restructuring sa Gabinete.
Ang mga espekulasyon ay kasunod ng pagbibitiw nina dating opisyal Eduardo Año bilang National Security Adviser at Carlito Galvez Jr. bilang Presidential Peace Adviser noong nakaraang linggo, kapwa dahil sa personal na dahilan. RNT