MAYNILA — Laglag sa kulungan ang apat na hinihinalang holdaper at snatcher matapos iharap kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa lungsod.
Kinilala ang isa sa mga naaresto na isang 19-anyos na itinuturong sangkot sa pananaksak sa isang truck driver noong Abril 25. Ayon kay Yorme, nasakote ito ng Delpan Police Station matapos ang masusing pagtugis.
Batay sa salaysay ng may-ari ng truck na si Tet de Castro-Tayamora, tinangka umano ng suspek kasama ang kasabwat na si Aldrin Matagal, 25, na holdapin ang driver at pahinante. Nauwi ito sa suntukan at pananaksak habang nasa loob ng sasakyan ang mga biktima.
Kinabukasan, Abril 26, agad na naaresto ang isa sa mga suspek sa tulong ng viral video footage na kumalat online.
Samantala, isang menor de edad ang iniharap din matapos masangkot sa panghoholdap sa isang babae sa kahabaan ng Road 10 noong Abril 22. Ang insidente ay nag-viral din sa social media, dahilan para makilala ang suspek. Kusang-loob itong isinuko ng kanyang ina, kasama ang ninakaw na cellphone.
Hindi rin nakalusot ang isa pang snatcher na naaktuhan ng isang netizen sa Osmeña Highway bandang ala-una ng madaling araw noong Abril 25. Dahil sa mabilis na aksyon ng Manila Police District (MPD), agad na naaresto ng Ermita Police Station ang suspek na si Isagani Aracaina, 25.
Bukod sa snatching, nahaharap din ito sa kasong ilegal na pagdadala ng baril nang walang kaukulang papeles.
Sa ilalim ng pamumuno ni MPD District Director PBrig. Gen. Arnold C. Santos, pinaigting pa ang kampanya laban sa kriminalidad sa Maynila.
“Walang puwang ang mga kriminal sa Maynila—kahit saan kayo magtago, huhulihin kayo!” babala ni Yorme. JAY Reyes