MANILA, Philippines — Maghahain ng kasong direct bribery at falsification of public documents sa Ombudsman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa dalawang Sangguniang Kabataan (SK) chairpersons sa Makati City, ayon sa mga opisyal nitong Lunes.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang mga kaso ay kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo sa kanilang mga barangay. Ang SK chairperson ng Barangay Dasmariñas ay inirereklamo dahil sa umano’y paghingi ng 20% o ₱70,000 kickback mula sa catering service na kinuha para sa Halloween Party noong Oktubre 2025.
Kalaunan, napatunayang liable siya sa dalawang bilang ng misconduct at sinuspinde ng anim na buwan ng Sangguniang Panlungsod ng Makati sa resolusyong inaprubahan noong Marso 23, 2026.
Naghain umano siya ng resignation noong Marso 8, 2026, ngunit sinabi ng DILG na wala pa itong natatanggap na pormal na pagtanggap mula kay Makati Mayor Nancy Binay.
Samantala, ang SK chairperson ng Barangay Magallanes ay inirereklamo dahil sa umano’y pamemeke ng pirma ng isang SK kagawad sa isang resolusyon kaugnay ng kanilang “Halloween project.” Sinuspinde siya ng tatlong buwan ng city council sa resolusyong inaprubahan noong Abril 6, 2026.
Ayon kay Barangay Magallanes Chairman Jose Mari Alzona, ikinalulungkot ng kanilang konseho ang insidente ngunit hindi nila kukunsintihin ang ganitong paglabag at makikipagtulungan sila sa imbestigasyon ng DILG at Ombudsman.
Kinondena ni Remulla ang mga insidente at iginiit na tila naging normal na ang katiwalian sa ilang opisyal.
“Ang parehong statement nila ay standard na kinasanayan na nila na gano’n ang ginagawa. Ang mahirap pa rito no’ng iniimbistiga talagang sinabi niya ‘oo totoo talagang hinihigi ko ito kasi standard ‘to e,” aniya.
Dagdag pa niya, “Nawala na ang hiya sa katawan ng mga SK chairman chairpersons ng Dasmarinas at ng Magallanes Village,” at “Matuto naman kayo. Mahiya naman kayo. Mayaman na nga kayo, magnanakaw pa kayo, di ba? Mahiya naman kayo.”
Ipinahayag din ni Remulla ang suporta sa posibleng pag-abolish ng SK system, at iginiit na nagiging daluyan ito ng katiwalian sa kabataan.
“Ngunit ito ay constitutional issue at hindi kaya ng aking kagawaran. Pero ang recommendation ko talaga dyan, kung magkaroon tayo ng constitutional change, ay abolish na ang SK. Dahil nakikita natin na naging kultura na rin mula bata, na ang corruption ay ordinaryo na lamang,” aniya.
Dagdag pa niya, ang pagkawala ng mahigpit na oversight sa pondo ng SK ay nagresulta sa kawalan ng checks and balances na nagbubukas sa pang-aabuso sa kapangyarihan. Santi Celario