MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagluluksa ang University of the Philippines (UP) sa pagkamatay ng mga estudyanteng sina Alyssa Alano at Maureen Santuyo, na kabilang sa 19 kataong nasawi sa isinagawang military operation sa Toboso, Negros Occidental noong nakaraang linggo.
Sa inilabas na pahayag nitong Lunes, Abril 27, sinabi ng unibersidad na tumutulong ito upang maiuwi ang mga labi ng dalawang estudyante upang ang kanilang mga pamilya at komunidad ay “pay their respects with dignity.”
“We are deeply saddened by the death of UP students Alyssa Alano and Maureen Santuyo. They were killed along with several others in a military operation conducted last week in Toboso, Negros Occidental,” ayon sa UP.
Ipinahayag din ng unibersidad ang suporta sa plano ng Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng “independent, transparent, and thorough investigation” kaugnay ng insidente, at nanawagan sa mga ahensya ng gobyerno na makipagtulungan “in the interest of justice.”
Nanawagan din ang UP sa publiko na iwasan ang agarang paghusga sa dahilan ng presensya ng mga estudyante sa underserved communities.
“No UP student is limited to lessons learned within the classroom,” saad sa pahayag.
Ayon pa sa unibersidad, ipinakita ng paunang ulat na sangkot ang dalawa sa community activities para sa kani-kanilang organisasyon at hindi bahagi ng university-sanctioned programs. Gayunman, iginiit ng UP na may karapatan ang mga estudyante na “lawfully and peacefully exercise their constitutionally protected freedoms, especially in furtherance of raising their social consciousness.”
“The University shall remain a beacon of critical thinking, conscience, and courage,” dagdag pa nito. Santi Celario