SA DIGITAL AGE, mas lalong naging komplikado ang usapin. Sa pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI) at deepfake technology, nagiging malabo ang hangganan ng totoo at hindi. Ang mukha ay maaaring manipulahin; ang boses ay maaaring gayahin. Sa ganitong konteksto, ang “preservation” ay hindi na lamang tungkol sa pag-iingat, ito ay laban para sa katotohanan at kung ano ang tama.
Ngunit ang responsibilidad ay hindi lamang nasa mga media practitioners. Bilang mga konsyumer ng impormasyon, ang publiko ay may bahagi sa pagpapanatili ng tunay na boses at mukha. Sa bawat share, comment, at reaction, tayo ay nagiging bahagi ng naratibo. Kaya mahalaga ang pagiging mapanuri: Hindi lahat ng nakikita ay totoo, at hindi lahat ng viral ay mahalaga.
Ang Boses ng mga Walang Boses
Mayroon ding aspekto ng representasyon na hindi dapat kalimutan. Maraming sektor ng lipunan ang nananatiling tahimik, hindi dahil wala silang sasabihin, kundi dahil walang nakikinig.
Ang mga katutubong inaagawan ng lupain, ang mga manggagawang pinagkakaitan ng suweldo, at ang mga nasa laylayan na ginagamit lamang sa pamumulitika, sila ang mga boses na madalas ay walang espasyo sa media.
Ang kanilang mga mukha ay bihirang makita, maliban na lamang kung may trahedya. Ang tunay na media ay dapat magsilbing tulay: Tulay upang marinig ang hindi naririnig, at makita ang hindi nakikita.
Pananampalataya at Teknolohiya
Sa konteksto ng faith-based media, mas malalim ang hamon. Ang pananampalataya ay nakaugat sa pakikinig at pakikiramay. Ang bawat kuwento ay hindi lamang impormasyon kundi isang pagkakataon upang maglingkod.
Ang pagpapanatili ng mga mukha at boses ay dapat na isang paninindigan na sa kabila ng teknolohiya, mananatiling sentro ang tao. Na sa gitna ng algorithm, hindi mawawala ang puso. Na sa likod ng bawat kuwento, may dignidad na dapat igalang. Ang tanong dapat ay hindi kung gaano karami ang naaabot ng media, kundi kung gaano kalalim ang epekto nito.
Ang Tao Bilang Imahe ng Diyos
Sa bawat pagkakataong tayo ay humahawak ng kamera, mikropono, o kahit simpleng smartphone, may kapangyarihan tayong maghubog ng naratibo. Ang hamon ay gamitin ito nang tama para sa kabutihang panlahat.
Sapagkat sa huli, ang media ay hindi lamang tungkol sa kuwento kundi tungkol sa tao na nagmula sa Diyos. Ang tao ay hinubog ng Maylalang, kaya ang bawat gagawin sa kanya ay may epekto sa Kanyang Manlilikha.
Hangga’t may tao, may kuwento. At hangga’t may kuwento, may responsibilidad tayong ipahayag ito nang may katotohanan, malasakit, at dignidad—alang-alang sa Dakilang Manlilikha na ating pinagmulan.






