PANAHON na para seryosong baguhin ang sistema ng pamamahala ng mga pagamutan sa lalawigan ng Aklan. Kung mananatili ang kakulangan sa pondo, pasilidad, at tauhan, patuloy na mahihirapan ang mga pasyente na makakuha ng nararapat na serbisyong medikal.
Sa gitna nang patuloy na hamon sa serbisyong pangkalusugan, muling nabibigyang pansin ang kalagayan ng mga pagamutan sa nasabing lalawigan kabilang na ang Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital.
Hindi maikaiila na may mga ulat ng kakulangan—mula sa pasilidad, kagamitan, hanggang sa bilang ng health workers. May mga pasyenteng napipilitang maghintay nang matagal, o kaya’y maghanap ng alternatibong ospital dahil sa limitadong serbisyo.
Sa dami ng karanasan ng mga nagpapagamot sa DRSTMH ay tila walang konsensya at manhid ang mga namamahala at ilang kawani ng nasabing pagamutan at hindi man lang alintana ang kahihiyang idinulot sa punong-lalawigan ganoon din sa ilang punong-bayan.
Kung maaari sana ay tigilan na ang turuan sa problema ng mga pagamutan sa nasabing lalawigan na nakapagbibigay ng kalituhan sa mamamayan nito na ang hinahangad ay matamasa ang serbisyo na ipinapangako tuwing panahon ng halalan.
Hindi pwedeng sabihing “kulang ang budget” habang may nagsasabi ring “sapat naman.” Kung sapat, bakit kulang ang serbisyo? Kung kulang, saan napunta ang pondo?
Kagaya na lang sa hindi magandang pangyayari sa Ibajay District Hospital sa lalawigan din ng Aklan. Kailangan itong masusing imbestigahan upang malaman ang tunay na dahilan sa pangyayari.
Hindi dapat puro haka-haka o sisihan—kailangan ng malinaw na imbestigasyon, sapat na ebidensya, at tamang proseso para matukoy ang ugat ng problema.
Ang pamamahala ng mga pagamutan ay isang pinagsamang responsibilidad ng pamunuan ng ospital, ng pamahalaang panlalawigan, ng mga lokal na pamahalaan, at ng Department of Health.
Sa huli, ang tunay na layunin ay hindi ang maghanap ng masisisi, kundi ang masiguro na ang bawat Aklanon ay may access sa maayos, mabilis, at makataong serbisyong medikal. Kung may pagkukulang man, ito ay dapat magsilbing daan hindi sa pagtatalo, kundi sa pagkilos tungo sa tunay na reporma.






