NOONG umaga ng Abril 21, 2026, opisyal na ipinahayag ni dating Bise Presidente at ngayo’y Alkalde ng Naga City na si Leni Robredo ang kanyang desisyon na hindi na siya tatakbo sa anomang nasyonal na posisyon sa halalan ng 2028.
Sa halip, pinili niyang ipagpatuloy ang kanyang serbisyo sa lokal na pamahalaan ng Naga, isang lungsod na matagal na niyang pinaglilingkuran at minahal bilang sentro ng kanyang pampublikong misyon.
Mas pinili ni Robredong ipagpatuloy ang kanyang sinimulang serbisyo sa lokal na pamahalaan na lumalabas na isang desisyong nakaangkla sa kanyang paniniwala na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa komunidad.
Ang anunsyong ito ay mabilis na kumalat at nagdulot ng matinding emosyon sa mga tagasuporta niya. Maraming Pilipino ang umasa sa posibilidad ng kanyang pagbabalik sa nasyonal na entablado, lalo na ang mga sumuporta sa kanya noong 2022.
Para sa ilan, tila nabasag ang kanilang inaasam na pag-asa. Ang pakiramdam ng kawalan, panghihinayang, at pagkadismaya ay agad na umiiral sa social media at sa mga pampublikong diskurso.
Ngunit dito nagsisimula ang mas mahalagang tanong: ang pag-asa ba ng bansa ay nakasalalay lamang sa iisang pangalan? O, panahon na ba upang tanggapin na ang tunay na pagbabago ay hindi nakatali sa iisang tao lamang?
Sa kasaysayan ng ating demokrasya, paulit-ulit nang napatunayan na ang sobrang pag-asa sa iisang lider ay nagdudulot ng pagkabigo. Ang isang matatag na bansa ay hindi nakasalalay sa isa, kundi sa pag-usbong ng maraming lider na may prinsipyo, integridad, at kakayahang kumilos kahit walang spotlight.
Sa gitna ng ganitong sitwasyon, nananatiling nakatayo si Senadora Risa Hontiveros, isang lider na hindi kailanman umatras sa hamon ng oposisyon. Sa kabila ng kakulangan ng bilang sa Senado, patuloy siyang naging tinig ng katotohanan, hustisya, at pananagutan.
Hindi siya natakot na mag-isa sa laban. Sa halip, mas pinatibay pa siya ng hamon ng pagiging nasa minorya. Ang kanyang presensya ay paalala na ang tunay na liderato ay hindi nakasalalay sa dami ng kakampi, kundi sa tibay ng paninindigan.
Kaya sa halip na malugmok sa isang desisyong personal, panahon na upang ituon ang pansin sa mas malawak na larawan—ang kinabukasan ng pamumuno sa bansa.






