MANILA, Philippines – Aabot sa 10,000 personnel ang itatalaga ng Police Regional Office sa Central Visayas (PRO-7) para tiyakin ang seguridad sa nalalapit na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at mga kaugnay na pulong sa Cebu sa susunod na linggo.
Ayon kay PCol. Kim Molitas, tagapagsalita ng PNP-7 para sa ASEAN, kabilang sa deployment ang 4,000 mula sa Philippine National Police, 3,000 mula sa iba pang uniformed services, 1,000 mula sa Presidential Security Command, at dagdag na force multipliers.
“We are more than prepared to host 15 world and ASEAN leaders visiting Region 7,” ani Molitas.
Dagdag niya, kumpirmado ang pagdalo ng lahat ng 11 ASEAN heads of state, habang ang natitirang apat na delegado ay iaanunsyo pa ng National Organizing Committee. Nakahanda na rin ang security arrangements para sa lahat ng lider.
“We are ready to receive our guests,” dagdag pa niya. Darating ang mga heads of state sa Mayo 5 at inaasahang may aalis sa Mayo 12. Nagsagawa na rin ng convoy runs at simulation exercises mula paliparan patungo sa mga venue, at posible ring magpadala ng karagdagang pwersa mula Regions 8 at 6 at Negros Island Region.
Samantala, itinaas ng Department of Health sa Central Visayas ang alert status sa lahat ng medical facilities at nagtalaga ng 55 medical teams na binubuo ng mahigit 400 health workers malapit sa mga venue. Idineklara rin ang Code Blue alert sa lahat ng pampubliko at pribadong ospital.
“They have to recall all doctors, nurses, and responders who are on leave to stand by,” sabi ni DOH-7 Regional Director Joshua Brillantes. Dagdag pa rito, magpapadala rin ng augmentation teams mula Metro Manila.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines, walang agarang banta sa Central Visayas sa kabila ng ilang bomb threats sa Metro Cebu. “We are conducting surveillance, so rest assured that all threats—whether human or naturally induced—are being considered. We are fully prepared to respond to any eventualities,” sabi ni Lt. Col. Israel Galorio ng Visayas Command.
Sinabi rin ng mga awtoridad na mahigpit ang ipatutupad na seguridad para sa posibleng kilos-protesta, ngunit maaaring magpahayag ang mga aktibista sa mga itinakdang freedom parks. Inihanda rin ng Department of Tourism ang walong tour packages para sa mga bisitang delegado. Mary Anne Sapico