MANILA, Philippines – Dalawang out-of-school youths ang inaresto sa Tondo, Maynila matapos umanong magnakaw ng mga metal na bahagi mula sa chassis ng isang truck sa Isla Puting Bato, isang insidenteng naging viral sa social media, ayon sa Manila Police District (MPD).
Kinilala ang mga suspek na sina alias “Den,” 18, residente ng Purok 3, Isla Puting Bato, at alias “RPT,” 16, mula Parola Compound, Barangay 20, Tondo.
Ayon sa ulat kay MPD Director Arnold C. Santiago, nakunan sa video ang isa sa mga suspek habang binabaklas ang mga metal na bahagi mula sa chassis ng isang dumadaang truck. Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang Delpan Police Station 12 matapos kumalat ang video online.
Naaresto ang mga suspek sa isinagawang “Oplan Galugad” habang umano’y sangkot sa illegal gambling (cara y cruz).
Patuloy pa ring tinutugis ng mga awtoridad ang driver o operator ng truck upang maisampa ang kasong theft laban sa mga suspek. Dinala ang mga ito sa presinto para sa tamang proseso.
Kinasuhan ang 18-anyos ng paglabag sa Presidential Decree 1602 o anti-illegal gambling law, habang ang menor de edad ay isinailalim sa kustodiya ng Manila Department of Social Welfare.
Ayon sa pulisya, paiigtingin ang kanilang patrol operations sa R-10 at karatig na lugar upang maiwasan ang kaparehong insidente at mapanatili ang kaayusan sa lungsod. RNT