PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur – Nauwi sa malaking drug bust ang isang routine checkpoint matapos masamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P68 milyon halaga ng hinihinalang shabu na nakatago sa isang tricycle o “bao-bao” sa national highway sa Barangay Buenavista nitong Martes ng hapon, Abril 28, 2026.
Ayon kay Police Major Jason Ray Gomera, team leader ng Zamboanga del Sur Provincial Highway Patrol Group, nagsasagawa sila ng Oplan Sita at anti-carnapping operations bandang alas-2:45 ng hapon nang pinara nila ang tricycle dahil sa “unauthorized body modification.”
Aniya, huminto sa gitna ng kalsada ang sasakyan at biglang bumaba ang dalawang pasahero—ang isa ay naglakad palayo habang ang isa naman ay tumakbo at nakihalo sa mga tao sa gilid ng kalsada. Hindi na sila naabutan ng mga humahabol na awtoridad.
Ang drayber na residente ng Cotabato City ay naiwan sa lugar at ipinakita ang kanyang lisensya, ngunit nadiskubreng walang certificate of registration ang tricycle kaya ito ay ipina-impound.
Nagkaroon ng hinala ang mga awtoridad dahil sa biglang pagtakas ng mga pasahero kaya agad silang nakipag-ugnayan sa Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG), lalo na’t may impormasyon na ginagamit ang mga binagong tricycle sa pagbiyahe ng kontrabando at ilegal na droga.
Lumabas din sa beripikasyon na ang tricycle ay kabilang sa watchlist ng PNP-DEG na konektado sa drug courier activities.
Sa isinagawang masusing inspeksyon, natuklasan ang isang tagong compartment sa ilalim ng upuan ng pasahero. Dito narekober ng PNP-DEG at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sampung pakete ng hinihinalang shabu na nakabalot sa berdeng packaging. Tinatayang P68 milyon ang halaga ng mga nakumpiska.
Sa inspeksyon, bigla ring tumakas ang drayber ngunit naiwan ang kanyang wallet sa loob ng sasakyan na naglalaman ng lumang lisensya at larawan, na tumulong upang makumpirma ang kanyang pagkakakilanlan.
Ipinasa sa PNP-DEG ang nakumpiskang droga para sa tamang disposisyon, habang nakikipag-ugnayan na rin sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang tunay na may-ari ng tricycle.
“This was not just a traffic violation,” giit ni Gomera. “There must be something more, and this confirms our suspicions,” at idinagdag na ito ang unang beses na nakasabat ng iligal na droga ang Highway Patrol Group.
Ayon sa mga awtoridad, ang mga hinihinalang droga ay maaaring dumaan sa rutang mula Zamboanga City patungong Zamboanga Sibugay, at saka dinala sa pamamagitan ng land travel papuntang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Region 10, o sa mas hilagang bahagi ng bansa.