MANILA, Philippines – Isa na namang uri ng pampasabog ang nahukay sa construction site malapit sa Manila City Hall.
Sa inisyal na ulat, hinihinalang mortar ang nahukay ng ilang construction worker sa ginagawang paghuhukay ng drainage sa kahabaan ng Natividad, kanto ng Antonio Villegas St., Ermita, Maynila.
Agad naman itong nai-report sa Explosive Ordnance Division ng Manila Police District upang maingat itong ma-secure at maiwasan ang anumang panganib.
Kasalukuyan na ring iniimbestigahan ng MPD-EOD at Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang pagkakadiskubre sa nasabing pampasabog na pinaniniwalaang ginamit pa noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Maalala na dalawang uri ng pampasabog din ang nahukay sa quadrangle grounds ng Manila City Hall habang naghuhukay din ng daluyan ng tubig o drainage noong nakaraang buwan.
Nasa pag-iingat na ng MPD-EOD ang naturang mga pampasabog. Jocelyn Tabangcura-Domenden