Home NATIONWIDE Grupo ng gov’t workers umaray, dagdag-sahod inihihirit

Grupo ng gov’t workers umaray, dagdag-sahod inihihirit

97
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang koalisyon ng mga manggagawa sa gobyerno nitong Miyerkules para sa umento sa sahod, agarang economic relief, at pagtigil sa mga polisiya ng pribatisasyon, kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa isang pahayag, sinabi ng All Public Sector Unions na maraming empleyado ng pamahalaan ang nahihirapan sa patuloy na pagtaas ng gastusin at hindi sapat na sahod, dahilan upang ang ilan ay mabaon sa utang at magbawas sa pangunahing pangangailangan.

“The current administration has clearly failed its own government workforce,” ayon sa grupo.

Ikinatwiran din ng koalisyon na ang mga polisiya tulad ng Oil Deregulation Law at pribatisasyon ng mga pangunahing sektor gaya ng langis at enerhiya ay nagpapahina sa kakayahan ng estado na kontrolin ang presyo at protektahan ang mga mamimili. Dagdag pa nito, may katulad umanong epekto sa serbisyo tulad ng kuryente, tubig, transportasyon, at kalusugan, kung saan ang pribatisasyon ay nagdulot ng mas mataas na gastos at limitadong access.

Kabilang sa mga pangunahing panawagan ng grupo ang dagdag sa Personnel Economic Relief Allowance (PERA), pagtanggal ng value-added tax (VAT) sa mga pangunahing bilihin at serbisyo, at pagpapatupad ng ₱36,000 na minimum wage sa pampublikong sektor.

Hiniling din nito ang regularisasyon ng Job Order (JO) at Contract of Service (COS) workers dahil sa kawalan ng seguridad sa trabaho at benepisyo. Iginiit din ng koalisyon ang proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa, at sinabing patuloy umanong nakararanas ng red-tagging, harassment, at intimidation ang mga labor group.

Nanawagan din ang All Public Sector Unions sa pagpasa ng Public Service Labor Relations Act at pagpapanagot sa korapsyon, kabilang ang pagbawi ng pondo ng gobyerno at paggamit nito para sa sahod at social services.

Muling iginiit ng grupo ang pagtutol sa dagdag pang pribatisasyon at panawagan para sa pagbabalik ng kontrol ng estado sa mahahalagang serbisyo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here