MANILA, Philippines – Sinabi ng spokesperson ng defense team ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Michael Poa na ang pagdalo ng Bise Presidente sa posibleng impeachment trial ay depende kung kinakailangan ang kanyang presensya sa korte.
Ito ay matapos magdesisyon ang House committee on justice na may probable cause para i-impeach si Duterte base sa dalawang impeachment complaints.
Kung maipasa sa Senado ang Articles of Impeachment, ito ay magko-convene bilang impeachment court para dinggin ang kaso.
“’Yung mismong presence ng Vice President, of course, it will depend on what the incident is for that trial date, kung kinakailangan na nandoon siya,” ani Poa.
Ipinunto niya na hindi naman lagi present sa lahat ng hearing ang mga naunang na-impeach, tulad ng dating Chief Justice Renato Corona.
“As you saw in the trial of the late chief justice Renato Corona, he was not present in all the proceedings, right?” dagdag niya.
Gayunman, tiniyak ng kampo ni Duterte na lalahok sila sa impeachment trial kung ito ay matutuloy.
“Definitely, magpa-participate tayo roon… The defense team will be there. Of course, the prosecutors will be there,” ani Poa.
Samantala, sinabi ng UP College of Law assistant professor Atty. Paolo Tamase na ayon sa legal standard, sapat ang ebidensya kung makikita ng isang makatwirang tao na may posibleng paglabag na ginawa at may pananagutan ang akusado.
Aniya, ang isyu ng umano’y kakulangan sa transparency at graft concerns ay maaaring maging batayan ng “betrayal of public trust,” na isa sa grounds ng impeachment.
Dagdag pa niya, ang hindi pagdalo ni Duterte sa ilang pagdinig at hindi pagharap sa ebidensya ay maaari ring nakaapekto sa naging desisyon ng House committee.
“Hindi pa po natin nakikita ‘yung ebidensya ni VP Sara… kung wala pong ebidensya na contrary doon sa mga nakita natin, naiintindihan ko po kung bakit po parang na-meet ‘yung probable cause,” ani Tamase. RNT/MND