MANILA, Philippines – Sinabi ng dating tagapagsalita ng impeachment court ng Senado na si Atty. Regie Tongol na kinatigan ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Senado na unahin ang due process kaysa pagmamadali sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte noong 2025.
“We refused to sacrifice due process at the altar of public pressure. The Supreme Court’s near-unanimous decision proves that under the leadership of then-Senate President Chiz Escudero, the Senate was right to choose constitutional prudence over the reckless haste demanded by so-called experts,” ani Tongol.
Ito ay matapos ang 14-0-1 na desisyon ng Supreme Court sa kaso G.R. No. 278311 (Generillo Jr. v. Senate of the Philippines), kung saan ibinasura ang petisyong nag-uutos sa Senado na agad mag-convene bilang impeachment court.
Ayon sa Korte Suprema, ang salitang “forthwith” sa Konstitusyon ay hindi nangangahulugang agad-agad, kundi sa loob ng makatuwirang panahon upang makapaghanda ang Senado sa impeachment trial.
Nilinaw din ng SC na hindi maaaring pilitin ang Senado sa pamamagitan ng mandamus dahil isa itong co-equal branch ng gobyerno na may sariling kapangyarihan sa internal proceedings, maliban kung may grave abuse of discretion.
Para kay Tongol, pinatibay ng desisyon ang naging posisyon ng Senado na dapat may maayos at patas na proseso sa impeachment.
Dagdag pa ng Korte, naging moot ang kaso matapos ideklarang walang bisa ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, kaya wala nang batayan para pilitin ang Senado na ituloy ang paglilitis. RNT/MND