Home NATIONWIDE Walang pagtaas sa MOOE ng mga mambabatas – Benitez

Walang pagtaas sa MOOE ng mga mambabatas – Benitez

74
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni House Deputy Speaker Albee Benitez na walang pagtaas sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng mga mambabatas, taliwas sa kumakalat na ulat.

Sa panayam, sinabi ni Benitez na wala siyang natanggap o narinig na dagdag pondo, at sa halip ay underspending pa umano ang problema ng gobyerno sa implementasyon ng mga proyekto.

“Hindi ko pa narinig ‘yan… ang problema nga namin, mabagal ang paglabas ng pondo. May underspending pa na umaabot sa P200 bilyon,” ani Benitez.

Pinasinungalingan din niya ang alegasyon na may dagdag na P200,000 umano ang mga miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), kasabay ng isyu ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon pa sa kanya, mabagal ang progreso ng mga proyekto sa mga distrito, at sa Bacolod ay 20 porsyento pa lamang ng mga proyekto sa ilalim ng 2026 budget ang umabot sa bidding stage kahit halos kalahati na ng taon ang lumipas.

Binigyang-diin ni Benitez na walang pondo ang inilalabas bilang kapalit ng suporta sa impeachment, at ang mga ganitong isyu ay posibleng ibinabato upang lagyan ng malisya ang naging boto ng ilang mambabatas.

Si Benitez ay kabilang sa 53 miyembro ng House committee on justice na bumoto pabor sa pagkakaroon ng probable cause para ituloy ang impeachment complaints laban kay Duterte.

Samantala, kinumpirma rin ni Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan na walang dagdag sa kanilang MOOE at nananatiling pareho ang kanilang buwanang alokasyon.

Ayon sa mga mambabatas, inaasahan na ang ganitong mga alegasyon bilang bahagi ng mga tangkang kuwestiyunin ang kredibilidad ng komite. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here