Home OPINION PAMBABABOY SA KATARUNGAN

PAMBABABOY SA KATARUNGAN

97
0

SAAN kaya pupulutin ang katarungan sa mga panahong ito?

Tinatanong ito ng Lupa’t Langit dahil punom-puno ang National Prosecution Service o NPS, Office of the Ombudsman o OMB, Kongreso at Supreme Court ng mga kaso, lalo na sa korapsyon at pandarambong kaugnay ng kikbakan sa flood control projects at iligal na paggamit ng pondong bayan gaya ng unprogrammed funds.

Sa NSP na nasa ilalim ng Department of Justice at Office of the Ombudsman, may mga iniimbestigahan sila at isinasampang kaso sa Sandiganbayan.

Sa Kongreso, nag-iimbestiga rin sila sa kasong impeachment, pwera kikbakan sa flood control projects, habang sa Supreme Court, nag-iimbestiga rin ukol sa unprogrammed funds na pinagdudukot kung saan-saang pondong bayan o kaya’y pondo ng mga mamamayan, gaya ng sa PhilHealth.

Usapan dito ang milyon-milyon o daan-daang milyon o bilyon-bilyong piso.

Sa mga kasong nauugnay sa NPS, OMB at Sandiganbayan, marami ang naniniwala na may mga nilalarong kaso o binababoy na sa kalaunan ay pang-drama lamang kaya may mapapawalang-sala sa kakulangan o kawalan ng ebidensya na hindi naman pupwedeng isisi sa Sandiganbayan.

At malas na lang naman ang mga tutuluyan dahil sa labanan sa pulitika o agawan sa kapangyarihan.

Ganito rin sa Kongreso at nakita ito sa kasong impeachment ni Pangulong Bongbong Marcos na dinismis ng Kamara sa kawalan umano ng sustansya habang ipinagsisigawan ngayon ng Kamara ang tiyak na pagkakatanggal sa pwesto ni Vice President Sara Duterte sakaling aabot ito sa Impeachment Court at papanig sa kanila ito.

Marami rin ang naniniwalang may naglalaro sa Senate blue ribbon committee sa mga kasong kikbakan pa rin na male-maltang pera ang usapan, lalo’t walang nagpapatawag sa mga seryosong saksi.

Sa Supreme Court hindi nakikitaan ng pagdududa dahil malinaw na hindi pupwedeng paglaruan ang mga Hukom.

Sa parte ng mga mamamayan, lumilitaw tuloy ang malaking pagdududa kung may makakamit silang katarungan at sa Supreme Court lang sila umaasa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here