MANILA, Philippines – Nagkaroon ng tensyon at sagupaan sa pagitan ng pulis at mga nagprotesta sa Labor Day rally sa Maynila noong Biyernes Mayo 1, kung saan hindi bababa sa pitong pulis ang nasugatan.
Nagmamartsa ang mga raliyista patungo sa US Embassy upang tutulan ang digmaan laban sa Iran, ngunit hinarang sila ng pulisya sa Kalaw Avenue, dahilan ng tensyon.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), isang 26-anyos na patrolman ang nasugatan matapos suntukin sa ulo habang nagkakaharap ang dalawang panig. Nagtamo siya ng pinsala sa bungo at pulso.
Sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, “There was no provocation or whatever statements made by any members of the CDM team at the said place. He just punched the police officer.”
Kinilala naman ng Manila Police District (MPD) ang suspek bilang lalaking miyembro ng grupong Sandigan ng Manggagawa. Ayon kay MPD legal officer Cpt. Felino Nebato, dati na rin itong naaresto sa kaguluhan sa Mendiola noong Setyembre 21 ngunit nakalaya habang iniimbestigahan. Inakusahan din siyang nagnakaw ng cellphone ng isang pulis habang nagdodokumento ito ng pangyayari.
Patuloy na tinutugis ng pulisya ang suspek na maaaring maharap sa kasong theft, physical injuries, at direct assault.
Ipinaliwanag naman ni MPD Director Brig. Gen. Arnold Santiago na nadagdagan ang tensyon nang subukang apulahin ng mga bumbero ang sinusunog na effigy upang maiwasan na umabot ang apoy sa kable ng kuryente.
“Our firefighters were just about to put out the fire using water so that the embers from the effigy wouldn’t reach the electricity cables,” ani Santiago. Dagdag niya, “The protesters thought we were directing the fire hose at them. That’s when tensions rose and the police officer’s cellphone was stolen.”
Kinondena ng PNP ang insidente. “All kinds of violence against any person is not acceptable,” ani Tuaño.
Samantala, itinanggi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang paratang at sinabing hindi nila sinaktan ang mga pulis. Ayon sa grupo, “This is a dirty tactic by the police to drown with disinformation the legitimate grievances of the people against those whom they protect.”
Dagdag pa nila, “The protest was about to end when the police used a water cannon and lunged at us. Is that maximum tolerance? Who was carrying rods and riot shields?”
Sinabi rin ng KMU, “Don’t take the conversation away from the people’s issues. Our protests will continue for as long as President Bongbong Marcos fails to address our crise.”
Isinagawa ang protesta ng KMU at iba pang grupo upang tutulan ang US-Israel war on Iran at panagutin si Pangulong Bongbong Marcos sa umano’y kakulangan sa pagtugon sa hiling na taas-sahod at mababang presyo ng bilihin.
Ayon sa PNP, may 46 na rally sa Metro Manila at 11 sa ibang rehiyon na may kabuuang 10,785 kalahok sa Labor Day. Sa kabila ng insidente, sinabi ni Tuaño na nanatiling pangkalahatang mapayapa ang mga protesta. RNT/MND