MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa mga ahensya ng gobyerno na maagang maghanda at magposisyon ng relief goods bilang paghahanda sa posibleng matinding epekto ng El Niño.
Ayon kay Pangilinan, posibleng unang tamaan ng matagal na tagtuyot, pagtaas ng presyo ng pagkain at paghina ng kabuhayan ang mga magsasaka, mangingisda at low-income households.
“Prevention is better than cure,” ani Pangilinan, sabay giit na mas mabuting paghandaan na ngayon ang posibleng epekto ng tinatawag na “Super El Niño” kaysa magsisihan kapag lumala na ang sitwasyon.
Hinimok niya ang Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Department of the Interior and Local Government, Office of Civil Defense at mga lokal na pamahalaan na maglatag ng magkakaugnay na preparedness plans.
Dapat aniyang tukuyin agad ang mga available na suplay, storage at distribution facilities, transport arrangements at mga tauhang mangangasiwa sa paghahatid ng ayuda.
Kailangan ding ihanda ang water tankers, pumps, water treatment equipment at repair teams para sa mga lugar na posibleng makaranas ng kakulangan sa tubig.
Kabilang sa nais niyang bigyan ng prayoridad ang farmers at fisherfolk, low-income families, mga bata, buntis at nagpapasusong ina, senior citizens, persons with disabilities at mga nakatira sa geographically isolated at disadvantaged areas.
Bahagi ito ng walong-puntong panukala ni Pangilinan para mabawasan ang epekto ng matinding El Niño sa mga komunidad, produksyon ng agrikultura at suplay ng pagkain.
Kasama rin sa plano ang pagtukoy sa available na pondo, proteksyon sa mga sakahan at water systems, pagpapatupad ng price controls, pagsugpo sa profiteering at hoarding, livelihood assistance at pagbuo ng public accountability mechanism para mamonitor ang tugon ng gobyerno. RNT