MANILA, Philippines – Inaasahan ng PAGASA na maaaring may isa hanggang dalawang tropical cyclone na mabubuo o papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Mayo.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Leanne Loreto, “Base sa ating climatological tropical cyclone tracks, yung mga bagyo sa Mayo ay usually nagre-recurve o hindi tumatama sa ating kapuluan. Meron din naming mga bagyo na dumadaan dito sa may central Philippines at nagre-recurve at e-exit na.”
Ang susunod na pangalan sa listahan ng bagyo para sa 2026 ay Caloy at Domeng.
Sinabi rin ng PAGASA na maaaring tumagal ang mainit at tuyong panahon hanggang unang kalahati ng Mayo. Maaaring umabot sa 40.8°C sa Northern Luzon, 40.0°C sa Central Luzon, at hanggang 38.1°C sa Metro Manila.
Pinakamataas na naitalang temperatura ngayong dry season ay 39.3°C sa Camiling, Tarlac noong Abril 28.
Sa ulan naman, posibleng bumaba ng 20% hanggang 40% ang rainfall sa Metro Manila at ilang bahagi ng Northern at Central Luzon ngayong buwan, habang may ibang lugar sa Visayas at Mindanao na maaaring makaranas ng above normal rainfall.
Ayon sa PAGASA, 15 lalawigan sa Northern at Central Luzon ay nakararanas na ng tagtuyot dahil sa higit 60% pagbaba ng ulan sa nakalipas na tatlong buwan.
Naglabas din ng El Niño alert ang PAGASA, na may halos 80% tsansa na mabuo sa June–August 2026 season, at posible pang mas maagang maranasan.
Sa unang bahagi, maaaring palakasin ng El Niño ang southwest monsoon at magdulot ng malalakas na ulan sa kanlurang bahagi ng bansa, ngunit pagsapit ng Setyembre, inaasahang magdudulot ito ng mas tuyong kondisyon.
Babala rin ng PAGASA, habang maaaring bumaba ang bilang ng bagyo sa PAR, posibleng mas lumakas ang mga papasok na tropical cyclone. RNT/MND