Home METRO Albay naghahanda sa El Niño sa gitna ng pagliligalig ng Mayon

Albay naghahanda sa El Niño sa gitna ng pagliligalig ng Mayon

87
0

ALBAY, Philippines – Pinaiigting ng pamahalaang panlalawigan ng Albay ang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño, na inaasahang magdudulot ng matagal na tagtuyot at mas malalakas na bagyo pagsapit ng huling bahagi ng 2026.

Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office (Apsemo) chief Oscar Robert Cristobal, sabay na pinaghahandaan ng lalawigan ang El Niño at ang patuloy na unrest ng Bulkang Mayon.

“I can say that we are ready. That is why we conducted this pre-disaster risk assessment so agencies can share information and prepare ahead of time, especially with the El Niño alert,” ani Cristobal.

Nagdaos ng pre-disaster risk assessment ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council upang pagtugmain ang mga plano ng iba’t ibang ahensya.

“We should be ahead in terms of preparation to ensure the safety of the people,” dagdag niya.

Kabilang sa mga kalahok ang PAGASA, PHIVOLCS, provincial agriculture at health offices, water districts, at mga lokal na disaster units.

Batay sa datos ng PAGASA, nagkaroon ng kakulangan sa ulan noong Abril—42.8 mm lamang kumpara sa karaniwang 152 mm.

Bagamat mas kaunti ang bagyong papasok sa bansa sa panahon ng El Niño, sinabi ng PAGASA na maaaring maging mas malalakas ang mga ito at umabot sa typhoon o super typhoon.

Nagbabala ang Provincial Agriculture Office na pinakaapektado ang rain-fed crops. Naglaan ito ng PHP3 milyon para sa tulong-kabuhayan at hinikayat ang mga magsasaka na mag-diversify sa livestock, poultry, at agro-processing. Kabilang sa mga hakbang ang rotational irrigation, rainwater harvesting, at paggamit ng drought-resistant crops.

Iniulat naman ng mga water district ang pabago-bago at bumababang supply ng tubig. Sa Legazpi City, nananatiling stable ang supply ngunit maaaring bumaba kung humina ang pinagkukunan, kaya hinihikayat ang pagtitipid. Sa Camalig, pinag-aaralan ang water scheduling.

Binabantayan ng Provincial Health Office ang mga panganib tulad ng heat stroke, dehydration, at water-borne diseases. Wala pang naitatalang kaso, ngunit may nakahandang contingency plans tulad ng water tanker deployment at pamamahagi ng lalagyan ng tubig.

Hinimok ni Cristobal ang mga residente na uminom ng sapat na tubig at iwasan ang matagal na pagbabad sa init. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here