ORIENTAL MINDORO, Philippines – Pinalaya ang 94 na Hawksbill turtle hatchlings sa Barangay San Antonio, Puerto Galera, Oriental Mindoro noong Huwebes, Abril 30, sa pangunguna ng lokal na pamahalaan at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Dumalo sa pagpapalaya sina Vice Mayor Rocky Ilagan, PCSO General Manager Melquiades “Mel” Robles, at iba pang opisyal. Isinagawa ang release ayon sa tamang protocol upang mabawasan ang stress ng mga pawikan at matulungan silang makapag-adjust sa kanilang natural na tirahan.
Ang mga pawikan ay mula sa nesting site sa Long Beach, Barangay San Antonio. Idineklara ang Hawksbill turtle bilang endangered species ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) mula pa noong 1982.
Nagkaroon din ng pag-uusap ang PCSO at lokal na pamahalaan tungkol sa mas pinalakas na ugnayan sa social welfare at pangangalaga sa marine life at biodiversity.
Ayon kay Ilagan, sinusuportahan din ng Department of Tourism ang mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya upang palakasin ang turismo at pangangalaga sa kalikasan. RNT/MND