MANILA, Philippines – Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua na ang pagsusuri sa income tax returns (ITRs) ni Vice President Sara Duterte ay makakatulong umano upang patibayin ang alegasyon ng ill-gotten wealth laban sa kanya.
Ayon kay Chua, susuriin ng House committee on justice ang ITRs ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio at ikukumpara ito sa kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), gayundin sa mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Securities and Exchange Commission (SEC).
“We will compare all of these—the SALN, the AMLC, the SEC, and the BIR. This will further strengthen the allegation of ill-gotten wealth,” ani Chua.
Dagdag niya, “If it turns out in the ITRs that the income taxes paid are low, it would not match the billions of pesos coming in through transactions. Where did those billions in transactions come from?”
Batay sa AMLC report na isinumite sa Kamara, umabot sa ₱6.77 bilyon ang “covered and suspicious transactions” ng mag-asawa mula 2006 hanggang 2025. Sa halagang ito, ₱4.4 bilyon ang inflows at ₱1.55 bilyon ang outflows, na may natitirang ₱2.8 bilyon.
Napag-alaman din sa SALN na walang naitalang “cash on hand and in bank” ang mag-asawa sa loob ng anim na taon (2019–2024), ngunit tumaas ang net worth nila mula higit ₱7.25 milyon hanggang ₱88.5 milyon noong 2024.
Ayon naman sa SEC, karamihan sa mga kumpanyang konektado sa kanila ay may mababang kita o lugi.
Nauna nang nagdesisyon ang justice committee na hindi buksan ang kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ng mag-asawa, at ililipat na lamang ang pagsusuri nito sa Senado kung matutuloy ang impeachment trial.
Giit ni Chua, dapat manaig ang Konstitusyon sa anumang batas kung may banggaan sa usapin ng subpoena at pagsusuri ng dokumento. RNT/MND