MANILA, Philippines – Binatikos ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang umano’y pagkukulang sa legal na estratehiya ng kampo ni Sara Duterte kaugnay ng impeachment case.
Ayon kay Ridon, hindi maaaring kuwestiyunin ng depensa ang proseso sa Korte Suprema habang nais ding lumahok sa Senate impeachment trial.
“Hindi puwedeng sabay, kinukwestyon ninyo ang proseso sa Korte Suprema, pero gusto ninyong makilahok sa parehong prosesong iyon,” aniya.
“Either you recognize the process, or you don’t. You can’t do both,” dagdag niya.
Tinukoy ni Ridon ang petisyon ng kampo ni Duterte laban sa impeachment proceedings na nakabinbin pa sa Supreme Court, habang sinasabi rin ng kanilang mga abogado na sasagot sila sa Senado.
Ayon sa kanya, malinaw na kontradiksyon ito at dapat linawin ng depensa ang kanilang posisyon.
“Dapat bawiin nila ang kanilang petisyon bago sila lumahok sa paglilitis. Kung hindi, magiging katawa-tawa ang defense panel…” aniya.
Pinuna rin niya ang taktika ng kampo na kuwestiyunin ang ebidensya sa halip na sagutin ito.
“That has always been the tactic. When you cannot disprove a piece of evidence, you assail it,” sabi ni Ridon.
Hindi dumalo ang kampo ni Duterte sa apat na pagdinig ng House Committee on Justice, kung saan idineklara ang probable cause sa dalawang impeachment complaints.
Inaasahang ihahanda ang articles of impeachment at kapag naaprubahan sa plenaryo ng Kamara, ipapasa ito sa Senado na siyang magsasagawa ng impeachment trial. RNT/MND