MANILA, Philippines – Ligtas na nakatawid sa Strait of Hormuz ang nasa 1,300 Filipino seafarers habang sinusubukan ng 14 iba pa ang tumawid dito, kasabay ng nagpapatuloy na ceasefire sa giyera sa Middle East, ayon sa Department of Migrant Workers nitong Sabado, Mayo 2.
Nananatiling nahaharangan ang Strait of Hormuz sa kabila ng ceasefire ng Iran at Estados Unidos.
“Sa Strait of Hormuz naman, ang minamanmanan natin doon ‘yung sitwasyon ng pagtawid ng mga tripulante natin. Higit kumulang meron nang 1,300 pero merong recent na nagsusubok tumawid — hindi ko na babanggitin kung ano — pero meron tayong inaantabayan na at least labing apat naman na makakatawid na. Hopefully, makatawid sila,” sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac kasabay ng pagsalubong nito sa panibagong batch ng repatriates mula Kuwait.
Nasa 3,300 Filipino seafarers pa, ani Cacdac, ang nasa Persian Gulf.
Siniguro niya naman ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa licensed manning agency at shipowners para sa sapat na suplay at kapakanan ng mga seafarer.
“Patuloy naman ang trabaho nila on board. Hindi naman sila ‘yung stranded na idle na walang ginagawa. They continue to work kasi they need to run their respective ships. Patuloy ‘yung kanilang mga sweldo, ‘yung allotments na pinapadala nila sa kanilang mga mahal na pamilya,” ayon sa DMW chief.
“Yung napuntahan ko sa Al Khobar, Saudi Arabia a week ago, na mga tripulante na nandun sa mga offshore na nagtatrabaho within the Persian Gulf. ‘Yun naman, sila rin ay safe and sound,” dagdag pa.
Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na tinatrabaho nila ang ‘replacement crew’ para sa mga seafarer na natapos na ang kanilang kontrata.
“Minsan kasi meron ng mga tinatawag na ‘fatigue’ at saka ‘yung may mga karamdaman tapos sila dapat napapalitan. Kaya’t ayun, isa pa natin isinasagawa together with the ship owners,” dagdag pa niya.
Sa ngayon ay nasa 8,600 overseas Filipinos na mula sa Middle East ang napauwi sa Pilipinas kasunod ng giyera sa pagitan ng US at Israel, at Iran. RNT/JGC