Home NATIONWIDE KOJC member hinatulan sa pagharang sa pag-aresto kay Quiboloy

KOJC member hinatulan sa pagharang sa pag-aresto kay Quiboloy

89
0

MANILA, Philippines — Hinatulan ng Quezon City Metropolitan Trial Court ang isang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kaugnay sa pagharang sa kalsada sa gitna ng operasyon ng pulisya laban kay televangelist Apollo Quiboloy noong 2024.

Kinilala ang akusado na si Eduardo Corda, na napatunayang lumabag sa Section 13(a) ng Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985.

Sa desisyon ng MeTC Branch 39, sinentensiyahan si Corda ng apat na buwang pagkakakulong.

Ayon kay dating PNP chief at ngayo’y MMDA general manager Nicolas Torre III, ang hatol ay paalala na “ang batas ay batas.”

“Hindi depensa ang sigaw. Hindi exemption ang ingay,” ani Torre.

Nag-ugat ang kaso sa mga protesta at barricade ng mga KOJC supporter sa Philippine-Japan Friendship Highway sa Davao City noong Agosto 2024, habang tinatangka ng mga awtoridad na isilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy.

Bagama’t may permit ang grupo para sa “prayer rally at candle lighting,” sinabi ng korte na limitado lamang ito sa loob ng KOJC compound at hindi saklaw ang pag-okupa sa pambansang lansangan.

“Ang permit ay hindi lisensya para sakupin ang anumang pampublikong lugar; ito ay may limitasyon batay sa nakasaad na lugar at kondisyon,” ayon sa korte.

Iginiit ng depensa na peacekeeping lamang ang papel ni Corda at hindi siya organizer ng ilegal na aktibidad, ngunit binigyang-diin ng korte ang paggamit nito ng megaphone at koordinasyon sa crowd bilang indikasyon ng pamumuno.

Pinunto rin ng korte na hindi absolute ang karapatan sa pagtitipon at maaaring limitahan para sa kaayusan ng publiko.

Ang mga protesta ay bahagi ng high-profile operations laban kay Quiboloy, na kalaunan ay naaresto noong Setyembre 2024 matapos ang ilang linggong operasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here