Home NATIONWIDE Operasyon ng illegal quarry sa Rizal nabisto ng NBI

Operasyon ng illegal quarry sa Rizal nabisto ng NBI

73
0

MANILA, Philippines – Nabisto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Rizal ang nagpapatuloy ng operasyon ng illegal quarry sa Baras, Rizal, kasunod ng joint operation kasama ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 4A.

Nakita sa surveillance footage ang malawak na pinsala sa kapaligiran sa bulubunduking bahagi, kabilang ang mga naputol na puno at natapyas na gilid ng bundok.

Inilunsad ang operasyon matapos na iulat ng lokal na pamahalaan ang hinihinalang quarrying activities sa lugar nang walang kaukulang permit.

Ayon sa NBI, unang isinagawa ang surveillance at nagpadala ng drone para makumpirma ang illegal na aktibidad.

“Nagpadala tayo ng tao, pina-surveillance natin, nagpalipad ng drone para malaman kung meron nga talagang operasyon ng quarry,” ayon sa isang operatiba ng NBI sa panayam ng GMA News.

“Kitang-kita po natin yung diperensya na talagang nakalbo na, naputol ang mga puno, at may mga paghuhukay na po na ginagawa,” sinabi naman ni NBI Director Melvin Matibag.

“Napakalaki pong problema niyan pag umuulan dahil ito po ay natural protection natin sa kalamidad—sa pagbaha at pagguho ng lupa. Dahil naputol na po, nawala na yung puno at nagbago na yung terrain po,” dagdag ni Matibag.

Nakita sa certifications mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na ang kompanyang sangkot ay walang lisensya o permit para mag-operate ng quarry.

Naabutan ang ilang manggagawa kabilang ang dalawang backhoe operator.

Kinumpiska naman ang mga gamit sa quarry na nagkakahalaga ng mahigit P6 milyon.

Mahaharap ang mga operator at may-ari ng kompanya ng reklamong pagnanakaw ng mineral na yaman sa ilalim ng Philippine Mining Act. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here