MANILA, Philippines – Iaapela ng kampo ni Jay Sonza ang lifting ng warrant of arrest nito dahil sa mga umano’y error sa dokumento.
Ayon kay Atty. Mark Tolentino, ang warrant na inisyu ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 118 ay tinukoy ang “Article 154 as amended by Republic Act No. 10591,” o ang Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances.
Ipinunto ni Tolentino na ang Republic Act No. 10591 ay Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Aniya, inilarawan ang warrant bilang kasong non-bailable, ngunit ang naturang reklamo ay bailable umano.
“Dapat ang court ang mag-explain nito bakit nangyari ito. Nagkamali ang court. Tapos pinirmahan ng judge. Because of that, nade-deprive yung liberty ng aking kliyente,” sinabi ni Tolentino.
“Sa information na finile ng DOJ papunta sa court, ang nakalagay doon ‘bail not required’,” dagdag pa.
Kinwestyon ni Tolentino ang paghawak ng korte sa kasabay ng paglalarawan niya ng umano’y glaring inconsistencies sa warrant.
“Hindi nila chine-check yung ‘non-bailable.’ Mali na ‘yun. Pangalawa, yung batas na cinite sa warrant of arrest, mali rin. Kasi anong relationship ng possession of firearms sa unlawful publication?”
Wala pang tugon ang Pasay RTC kaugnay nito. RNT/JGC