MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga benepisaryo ng Presidential Scholars Program na mag-aral mabuti dahil ang edukasyon ang isang napakalaking kayamanan na dala-dala ng mga ito.
Nangako naman ang Pangulo na magpapatuloy ang estado na suportahan ang edukasyon.
Sa naging mensahe ng Pangulo sa isinagawang orientation sa General Trias City, Cavite, binigyang diin ng Pangulo ang long-term value ng edukasyon bilang “lasting wealth” na hindi maaagaw ninuman.
“Mag-aral kayo mabuti, masipag kayo mag-aral dahil ang edukasyon, ang magandang edukasyon ay isang napakalaking kayamanan na dala-dala na ninyo,” ayn kay Pangulong Marcos.
Winika ng Pangulo na ang edukasyon ang makakapag-paangat hindi lamang para sa kanilang sarili kundi maging para sa kanilang pamilya at komunidad.
“Hindi ito puwedeng kunin sa inyo, hindi ito puwedeng agawin sa inyo, hindi ito puwedeng nakawin sa inyo,” aniya pa rin.
Binigyang diin pa ng Chief Executive ang pag-rollout ng Presidential Scholars Program, pinondohan sa pamamagitan ng barangay-level allocations, bilang bahagi ng pagsisikap na palawigin ang access sa edukasyon.
Sa ilalim ng inisyatiba, ang bawat barangay ay nilaanan ng P200,000, na may P100,000 na nakalaan para sa scholarships. Ang bawat iskolar ay makatatanggap ng P20,000 na tulong.
Tinuran ng Pangulo na ang programa ay inaasahan na mapakikinabangan ng mahigit sa 200,000 mag-aaral sa buong bansa, na mayroong limang iskolar kada barangay sa mahigit sa 42,000 barangay.
“Kailangan na namin kayo… ‘pag natapos na kami, kailangan ready na kayo kaya’t kailangang mag-aral kayo nang mabuti,” aniya pa rin.
Sa General Trias lamang, may 33 barangay ang nakatakdang tumanggap ng financial assistance, sumusuporta sa kabuuang 165 iskolar. (KRIS JOSE)