Home METRO Pekeng doctor sa Isabela, arestado

Pekeng doctor sa Isabela, arestado

100
0

ISABELA, Philipines – Inaresto ng mga kasapi  ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela ang isang nagpapakilalang “doctor in aesthetics” na nag-ooperate ng klinika sa Cauayan City matapos kumpirmahin ng Professional Regulation Commission (PRC) na hindi siya rehistradong manggagamot.

Isinagawa ng mga awtoridad ang entrapment operation kasama ang Food and Drug Administration Philippines (FDA), kung saan nahuli ang suspek habang nagsasagawa ng injection procedure sa isang undercover asset.

Bukod dito, nakumpiska rin sa kanyang klinika ang mga hindi rehistradong gamot at iba pang ebidensiya na may kaugnayan sa iligal na praktis ng medisina.

Ayon sa PRC Regional Office II – Tuguegarao, hindi nakarehistro bilang physician ang suspek.

Nauna nang ipinakilala ng suspek ang sarili bilang “doctor in aesthetics” na nagsasagawa ng Botox at iba pang cosmetic injections, at may ipinapakitang mga sertipiko sa kanyang klinika.

Gayunman, sa isang buradong post, nilinaw niya na hindi siya isang medical doctor kundi dalubhasa umano sa aesthetics, skincare, at semi-permanent makeup (SPMU).

Lalong nadagdagan ang pagdududa sa kanyang kredensyal matapos ipahayag ng European Quality Assurance Register for Higher Education (EQAR) na ang tinutukoy na “European Centre for Accreditation (ECA)” ay hindi kabilang sa listahan ng mga kinikilalang accreditation bodies sa Europa.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pinal na update ang mga awtoridad hinggil sa estado ng suspek at ng kanyang klinika.

Samantala, muling pinaalalahanan ang publiko na tiyaking lisensyado at rehistrado ang mga practitioner bago sumailalim sa anumang medical o cosmetic procedure upang maiwasan ang panganib sa kalusugan. (REY VELASCO)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here