ISABELA, Philippines – Arestado ang tatlong suspek kabilang ang dalawang menor de edad matapos masangkot sa isang insidente ng motor carnapping sa Santiago City.
Ang isa sa suspek ay edad 23, isang construction worker at dalawang menor de edad na pawang residente ng Santiago City.
Habang ang biktima ay kinilalang si alyas “Percy”, 24 anyos, isang pribadong empleyado at residente ng Calao East, Santiago City.
Una rito, ipinarada at iniwan ng biktima ang kanyang itim na Skygo 125 motorcycle na may nakakabit na kulay maroon na sidecar sa Vizcalang Street bandang alas-8:30 ng umaga. Makalipas ang isang oras, napansin niyang nawawala na ang kanyang sasakyan kaya agad siyang nagtungo sa Police Station 1 upang i-report ang insidente.
Agad namang nagsagawa ng dragnet operation, hot pursuit, at checkpoint ang mga pulis sa pangunguna ni PCapt. Jonathaniel Esteban, Commander ng Station 1 katuwang ang iba pang yunit sa iba’t ibang entry at exit points ng lungsod. Hindi nagtagal, nakatanggap sila ng impormasyon na namataan ang nawawalang motorsiklo sa bahagi ng Patul.
Dahil dito, mabilis na rumesponde ang mga awtoridad at naabutan ang mga suspek na nasa pangangalaga ang nawawalang motorsiklo na nakalas na.
Bukod dito, narekober din mula sa kanilang pag-iingat ang isang kulay gray Rusi motorcycle na may temporary plate number na BF 55888.
Hindi na pumalag ang mga suspek nang sila ay arestuhin at dinala sa Police Station 1 para sa dokumentasyon at kaukulang imbestigasyon.
Nabatid na sangkot sa ilang nakawan ng motorsiklo ang isa sa mga suspek.
Nakipag-ugnayan na rin ang mga pulis sa Santiago City Forensic Unit para sa masusing pagsusuri sa crime scene at ebidensya.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Carnapping Law, habang ang dalawang menor de edad ay sasailalim sa kaukulang proseso alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act. (REY VELASCO)