MANILA, Philippines – Naghain si Vice President Sara Duterte nitong Lunes ng reply-affidavit kaugnay sa kasong perjury na isinampa niya laban kay Ramil Madriaga, isang testigo na inakusahan niyang nagsinungaling sa ilalim ng panunumpa.
Isinumite ang affidavit sa Office of the City Prosecutor sa Taguig sa pamamagitan ng kanyang legal counsel na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr.
Ayon kay Panelo, hindi umano nasagot ni Madriaga sa kanyang counter-affidavit ang mga ebidensyang inilatag ng kampo ni Duterte, at lalo pa raw nitong pinahina ang kanyang mga alegasyon.
“So para sa amin, iyong counter-affidavit kasi ni Madriaga, hindi niya nasagot iyong mga ebidensyang nilatag namin… na nagpapatunay na hindi totoo iyong mga sinasabi niya,” ayon kay Panelo.
Ipinagdiinan ng kampo ni Duterte na may 340-pahinang complaint-affidavit sila na may kasamang testimonya ng VP, pitong saksi, at mga dokumento na umano’y nagpapatunay na hindi totoo ang mga pahayag ni Madriaga.
Ayon kay Madriaga, dating aide umano siya ni Duterte at sinasabing may kinalaman siya sa mga campaign funds at cash deliveries. Iniuugnay rin niya ang ilang grupo sa umano’y pondo mula sa drug dealers at POGOs, na ginamit umano sa “Inday Sara Duterte Is My President” o ISIP campaign. Itinanggi ito ni Duterte.
Noong Marso 4, nagsampa ng perjury case si Duterte laban kay Madriaga sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Ipinakita rin ng kampo ni Duterte ang ilang ebidensya, kabilang ang screenshot ng online meeting na ginamit umano ni Madriaga bilang patunay ng kanyang “insider role,” ngunit ayon sa kampo ng VP, maraming dumalo sa meeting at hindi siya ang organizer nito.
Pinabulaanan din nila ang iba pang alegasyon tungkol sa cash deliveries at bank transactions, at sinabing may mga sertipikasyon mula sa iba’t ibang ahensya na hindi kailanman naging empleyado si Madriaga ng OVP o iba pang government offices.
“Ginawa nating airtight” ang reklamo, ayon kay Panelo.
Nakatakda umanong maghain si Madriaga ng rejoinder affidavit sa Mayo 18.
Ayon pa sa kampo ni Duterte, pinag-aaralan din nila ang posibilidad ng panibagong perjury complaint laban kay Madriaga, depende sa estratehiya ng impeachment defense team ng VP.
“It’s more of a strategy thing. Do you want to show your cards before the impeachment trial?” ani Panelo. RNT/MND