Home METRO 2 arestado nang mangloob ng bahay 3 beses sa isang araw sa...

2 arestado nang mangloob ng bahay 3 beses sa isang araw sa QC

63
0

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga pulis sa Quezon City ang dalawang repeat offender matapos nilang looban ang isang bahay nang tatlong beses sa loob ng isang araw sa Barangay Sta. Cruz noong Mayo 1.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) Masambong Police Station 2, nagresponde ang mga operatiba matapos makatanggap ng security notification ang may-ari ng bahay bandang 11:45 p.m. at makita sa live CCTV ang dalawang lalaki sa loob ng bahay gamit ang cellphone.

Agad humingi ng tulong ang may-ari sa QCPD Tactical Operations Center na nagpaabot ng impormasyon sa mga rumespondeng pulis.

Naaresto ang mga suspek bandang 12:30 a.m. ng Mayo 2. Kinilala sila sa alyas na “Ferdinand,” 35, at “Joshua,” 29, na parehong residente ng Barangay Toro.

Sa imbestigasyon, lumabas na tatlong beses umanong pumasok ang mga suspek sa bahay noong Mayo 1—bandang 3 a.m., 7 p.m., at 11:45 p.m.—sa pamamagitan ng siwang ng air-conditioning at kinuha ang iba’t ibang gamit.

Narekober sa kanila ang dalawang vacuum units, dalawang compressor, at ilang gamit tulad ng screwdriver, pliers, at vise grip.

May mga nawawala pa ring gamit kabilang ang laptop, Fujifilm camera, bag, CCTV unit, at phone charger, na tinatayang aabot sa mahigit P140,000 ang kabuuang halaga ng nawala.

Lumabas din sa background check na may nakaraan nang kaso ang dalawa, kabilang ang theft at paglabag sa Republic Act No. 9165 o anti-drug law.

Kasalukuyan silang sumasailalim sa inquest proceedings para sa kasong robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Pinuri ni QCPD Director Randy Glenn Silvio ang mabilis na aksyon ng pulisya at ang agarang pag-report ng may-ari ng bahay na nakatulong upang maaresto ang mga suspek at mabawi ang ilang gamit. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here