LANAO DEL SUR, Philippines – Sugatan ang hindi bababa sa limang pulis matapos umanong pagbabarilin habang nagsisilbi ng warrant of arrest sa isang akusado ng murder sa Buadipuso Buntong, Lanao del Sur nitong Lunes.
Ayon kay Capt. Steffi Salanguit ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), pinamunuan nina Capt. Nur Basher Cayda, hepe ng Buadipuso Buntong police, at Lt. Mubarrak Dimakuta ang operasyon bandang 11 a.m. para arestuhin si Sukair Diongcat na may kaso ng murder at attempted murder.
Habang isinasagawa ang operasyon, bigla umanong pinaputukan ng hindi pa nakikilalang armadong grupo ang mga pulis, na nauwi sa engkuwentro na tumagal hanggang bandang 1 p.m.
Dahil dito, agad na nagpadala ng reinforcement forces si Col. Caesar Cabuhat, kasama ang Special Action Force at iba pang yunit ng pulisya na may armored personnel carriers.
Dinala sa Marawi City ang mga sugatang pulis para gamutin.
Patuloy pa rin ang pursuit operations laban sa mga suspek habang iniimbestigahan ang insidente. RNT/MND