Home TOP STORIES Trump sa Iran: “Very positive talks”

Trump sa Iran: “Very positive talks”

90
0

WASHINGTON, USA – Sinabi ni US President Donald Trump nitong Linggo na may “very positive discussions” sa pagitan ng Estados Unidos at Iran para sa posibleng solusyon sa patuloy na digmaan, ngunit idinagdag din niya na magsisimula na ang US forces sa pag-escort ng mga barko sa Strait of Hormuz.

Ayon kay Trump sa kanyang Truth Social post, “I am fully aware that my Representatives are having very positive discussions with the Country of Iran, and that these discussions could lead to something very positive for all.”

Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng foreign ministry ng Iran na si Esmaeil Baqaei na nagsumite ang Tehran ng 14-point plan na nakatuon sa pagwawakas ng digmaan, at tumugon na ang Washington sa pamamagitan ng Pakistan bilang tagapamagitan.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng ceasefire noong Abril 8 matapos ang mga naunang sagupaan, ngunit nananatili pa rin ang tensyon at hindi pa ganap na nagkakasundo ang dalawang panig.

Sinabi rin ni Trump na maraming bansa ang humiling ng tulong ng US para sa ligtas na pagdaan ng mga barko sa mahalagang rutang pandagat.

“For the good of Iran, the Middle East, and the United States, we have told these Countries that we will guide their Ships safely out of these restricted Waterways,” saad ni Trump, at tinawag itong “Project Freedom,” na magsisimula umano sa Lunes ng umaga (Middle East time).

Ayon sa US Central Command (CENTCOM), magsisimula ang operasyon gamit ang guided-missile destroyers, mahigit 100 aircraft, unmanned platforms, at 15,000 personnel.

Sinabi ni CENTCOM commander Admiral Brad Cooper na mahalaga ang operasyon para sa seguridad ng rehiyon at pandaigdigang ekonomiya.

Ayon sa maritime data, mahigit 900 commercial vessels ang nasa Gulf area habang mas mataas pa ang bilang sa simula ng labanan, na naapektuhan ng tensyon at blockades sa Strait of Hormuz. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here