Home NATIONWIDE P117M ayuda naipamahagi na sa mga apektadong pamilya sa pagputok ng Mayon...

P117M ayuda naipamahagi na sa mga apektadong pamilya sa pagputok ng Mayon – DSWD

63
0

MANILA, Philippines – Nakapamahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit P117 milyong halaga ng humanitarian assistance sa mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Sa pahayag, sinabi ng DSWD na nagpaabot ito ng food at non-food items, psychosocial interventions, cash-for-work (CFW), at emergency cash transfer (ECT) aid sa internally displaced persons (IDPs).

“Secretary Rex Gatchalian made an instruction yesterday na dapat agad ma-replenish itong food packs na nailabas po natin sa ating mga warehouses kasi ‘yan po ang utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutukan natin ang Bicol Region at tiyakin na mayroon tayong sapat na resources na pwede natin ipamahagi sa mga maapektuhan nitong abnormal activities ni Mt. Mayon,” sinabi ni DSWD Assistant Secretary and spokesperson Irene Dumlao.

Hanggang alas-6 ng gabi ng Mayo 3, nakapagbigay ang DSWD ng 71,153 family food packs (FFPs), 7,634 non-food items (NFIs), at 1,402 ready-to-eat food (RTEFs) sa mga apektadong pamilya.

Mayroong mahigit 1.6 milyong FFPs ang DSWD kung saan 270,532 FFPs ang available sa DSWD Field Office 5 – Bicol Region.

Para naman sa cash aid, sinabi ni Dumlao na nakapaglabas ang DSWD ng mahigit P45 milyon sa mahigit 3,487 magsasaka at IDPs na ang kabuhayan ay naantala dahil sa pyroclastic activity ng Mayon.

“Ang ginawa po kasi natin sa mga farmers na lumikas doon sa evacuation centers ay, it’s either nagtanim po sila sa mga vacant plots sa compound o sila ay nagpastol ng kanilang mga alagang hayop. Kaya doon sa labor na ginagawa nila, nagbigay tayo ng tulong pinansiyal using cash-for-work muna. Ito ay upang matiyak na itong mga farmers natin ay patuloy na makakapag-hanapbuhay,” aniya.

Para sa ECT, tutugunan ng cash aid ang iba pang agarang pangangailangan ng IDPs na hindi sakop ng food at non-food assistance.

“This is more than P10,000 per family, para po matulungan tustusan ang iba pang mga pangangailangan nitong ating mga internally displaced persons. Alam naman natin na aside from food, may iba pang mga food and non-food items na mga requirements ang ating IDPs kagaya po ng gamit, gatas ng mga bata, supplements and of course mga iba pang pangangailangan,” sinabi ni Dumlao.

“Nakipag-ugnayan din tayo sa lokal na pamahalaan para matiyak na may sapat na ventilation at cooling areas sa ating evacuation centers sapagkat medyo mainit ang panahon at iniiwasan naman po natin ‘yong heat exhaustion at ang pagkakaroon ng iba’t-ibang sakit, bunsod ng mataas na temperature,” dagdag pa niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here