MANILA, Philippines – Naitala ng pulisya ang isa na namang “gas-and-run” incident sa Quezon City matapos tumakas ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng asul na sedan matapos magpakarga ng gasolina na nagkakahalaga ng P1,500.
Ayon sa Quezon City Police District, nangyari ang insidente bandang 3:16 a.m. noong nakaraang Linggo sa isang gasolinahan sa Mindanao Avenue, Barangay Bahay Toro.
“The incident was promptly reported by the gasoline station attendant, prompting immediate police action,” pahayag ng QCPD.
Nagpalabas agad ng flash alarm ang pulisya at kasalukuyang kino-compile at sinusuri ang CCTV footage mula sa lugar at mga kalapit na establisyimento upang matukoy ang suspek.
Humihingi rin ng tulong ang pulisya sa publiko para sa anumang impormasyon tungkol sa lalaking sakay ng asul na sedan.
Nauna rito, mayroon nang naitalang kaparehong insidente kung saan isang TNVS driver ang tumakas sa gas station sa Barangay Apolonio Samson ngunit kalaunan ay sumuko rin sa pulisya. May isa pang kaso noong Abril sa Barangay Payatas kung saan tatlong suspek ang tumakas, at dalawa sa kanila ang naaresto kinabukasan. RNT/MND