Home NATIONWIDE ‘Disadvantage learners,’ makikinabang sa Voucher Program sa private schools – solon

‘Disadvantage learners,’ makikinabang sa Voucher Program sa private schools – solon

68
0

MANILA, Philippines – Target ng voucher program sa ilalim ng Senate Bill No. 1981 na tulungan ang lahat ng “disadvantage learners’ na makapag-aral sa pribadong paaralan sa pamamagitan ng voucher program system, ayon sa ilang senador.

Sa magkakahiwalay na pahayag matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Basic Education Voucher Program Act, sinabi nina Senador Alan Peter Cayetano at Win Gatchalian na malaki ang maitutulong panukala sa “disadvantage learners.”

Anila, partikular na nakatakda sa panukala na unang tutulungan ang disadvantage learners tulad ng persons with disabilities (PWDs), ulila, nasa liblib na lugar, Indigenous People, at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Nitong Lunes, unang ipinahayag ni Senador Bam Aquino ang pagkakapasa ng panukala sa botong 22 pabor at walang tumutol sa pagpapatibay ng Senate Bill No. 1981 o ang panukalang Basic Education Voucher Program Act.

Pangunahing awtor at co-sponsor si Gatchalian sa panukala na hango sa Senate Bill No. 422 ni Cayetano, o ang The Learner’s Choice (TLC) Act of 2025, na layong bigyang subsidiya ang mga kwalipikadong mag-aaral para makapasok sa alin mang DepEd-recognized private school sa pamamagitan ng isang voucher.

Prayoridad sa programa ang mga mag-aaral mula sa mga siksikan na pampublikong paaralan, lalo na ang mga mula sa mahihirap na pamilya.

Ayon kay Cayetano, na dating co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), layon ng panukala na isulong ang karapatan ng bawat batang Pilipino sa de-kalidad na batayang edukasyon.

Makakatulong din aniya ito sa pagtugon sa matagal nang pasisiksikan sa mga pampublikong paaralan.

“The Constitution guarantees the right of every Filipino to accessible and quality education at all levels and mandates the State to take appropriate steps to make such education available to all,” aniya.

“I’d like to see the day na kapag pinanganak ka sa Pilipinas, regardless kung ano apelyido mo, kung mayaman ka o hindi, if you want to go to the best private school sa inyong province or city, you’ll have the opportunity to do that,” dagdag niya.

Inihain ni Cayetano ang TLC Act noong Hulyo 2025, na hinango niya sa voucher program ng Taguig City na pinuri ng EDCOM 2 at kinilala ng DepEd bilang model program.

In-adopt ng SB 1981 ang pangunahing ideya ng TLC Act na ang tulong ng gobyerno ay dapat nakabatay sa “choice” at pangangailangan ng mag-aaral.

Ibig sabihin, makakapili ang pamilya ng paaralan na pinakaangkop para sa kanilang anak, hindi tulad ng kasalukuyang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) program kung saan ang subsidiya ay idinadaan sa kalahok na paaralan at nakadepende sa bilang ng slots na mayroon.

Saklaw din ng panukala ang lahat ng antas ng batayang edukasyon, hindi gaya ng E-GASTPE na pili lang.

Isinama rin sa pinal na bersyon ng Senate bill ang mga parusang iminungkahi ni Cayetano laban sa pagkakaroon ng ghost learners, delays, at iba pang uri ng pandaraya.

Inaatasan din ng panukala ang DepEd na magkaroon ng public database ng mga kalahok private school kabilang ang tuition fee, program offering, capacity, at key performance indicators.

Kasabay nito, ipinagbunyi din ni Gatchalian ang pagkaapruba sa naturang panukalang batas, na  sasaklawin ng voucher program para sa mga pribadong paaralan ang lahat ng antas ng basic education — mula kindergarten hanggang senior high school.

Layunin nitong tulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng oportunidad na makatanggap ng mula sa mga pribadong paaralan.

Nakasaad sa panukalang batas ang pagbibigay prayoridad sa mga nangangailangang mag-aaral, kabilang batang galing sa low-income households, bilang voucher recipients.

Matatandaang pinuna ni Gatchalian na P12.3 bilyon ang napunta sa mga non-poor na benepisyaryo ng Senior High School.

Bibigyang prayoridad din bilang voucher recipients are mga mag-aaral ng Kindergarten at Grade 1 sa mga lugar kung saan may matinding siksikan na mga silid-aralan ng pampublikong paaralan.

Magiging automatic voucher recipients din ang mga completers ng Alternative Learning System (ALS) at mga disadvantaged students na nakatira sa mga geographically isolated and disadvantaged areas na walang pampublikong paaralan.

“Sa pagpapalawak at pagpapatatag ng voucher program, hindi lang natin natutulungan ang mga pribadong paaralan. Mas lalo nating natutulungan ang mga mag-aaral na nangangailangan,” ani Gatchalian, vice chairman ng Senate Committee on Basic Education

Nakatakdang isalang sa bicameral conference committee ang bersyon ng Senado at ng Kamara bago ito isumite sa Pangulo para lagdaan bilang batas. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here