MANILA, Philippines – Isinusulong ni Manila Teachers Party-list Rep. Ma. Nina Francesca Lacson ang panukalang batas na magpapataw ng civil penalty na aabot sa P10 milyon sa mga energy companies na magtataas ng presyo ng langis nang “unreasonable.”
Ang House Bill (HB) No. 8781 ay inihain sa Kamara at inirefer sa House Committee on Energy noong Mayo 4.
Layunin nitong maglagay ng mekanismo para parusahan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng krudo, residual fuel oil, at iba pang refined petroleum products.
Ayon sa panukala, ang multa ay mula P5 milyon hanggang P10 milyon kada kaso ng hindi makatwirang pagtaas ng presyo.
“The world is experiencing one of the most serious energy disruptions in recent history due to the escalating conflict between Israel and Iran…” ayon sa explanatory note ni Lacson, na binanggit ang epekto ng tensyon sa Middle East sa suplay ng langis.
Giit niya, dahil umaasa ang Pilipinas sa imported oil, ang biglaang pagtaas ng presyo ay direktang nakakaapekto sa pamasahe, presyo ng pagkain, kuryente, at inflation.
“Unreasonable or unjustified price increases during periods of global instability can aggravate the economic burden on consumers and undermine public welfare,” aniya.
Sa ilalim ng panukala, ang Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) ay maglalabas ng rules sa loob ng tatlong linggo mula sa pagpasa ng batas at magpapatupad ng regulasyon laban sa hindi makatwirang pagtaas ng presyo.
Magsasagawa rin ang dalawang ahensya ng lingguhang monitoring at bi-annual review ng presyo ng langis at produktong petrolyo sa bansa upang matukoy ang posibleng paglabag. RNT/MND